Thursday, November 24, 2011

Diliryong Panaginip, ang Pangitaing may dalang hula

"Ngunit mahal ko, wala na ang ating lupaing sakahan. Tinangay na ng mga taong may kasamaan. Pinatay pa nila ang ating anak, at ako nga'y naririto't sugatan at malapit na sa bingit ng kamatayan."

Lumapit pa ang espiritu na tila ba'y aninong nagkakaroon ng mas matinding kulay habang lumiliit ang espasyo sa pagitan.

" Huwag kang mag-alala, mahal ko.
May awa ang Ama, Dios ng lahat.
Gagaling ka sa iyong karamdaman.
Makatatayo't mailalayo ang sarili
dito sa lupaing binuwisan ng buhay.

May awa ang Ama, at ibibigay sa'yo
ang hustisya.

Makatatakas ka sa lugar na ito.
Maitatayo mo ang  dangal ng iyong pangalan.
Magiging karangalan sa'yo ang kitlin
ang buhay ng iyong mga kaaway
Pagbibigyan ka ng Ama sa iyong gagawin
Kanyang babasbasan ang iyong punyal
Kanyang kikinising tunay ang iyong bolo
sa bawat kumpay ng iyong kamay
may matatagpas na buhay
Katarungan ba ang hanap mo?
Makakamtan mo ito sa lalong madaling panahon.

Sa pagtigil ng digmaan
sa pagitan natin at mga sakang
babalik ka sa kapatagan
upang muling itayo ang tahanan
ngunit, in-hustisya'y darating
sa ikalawang pagkakataon
at masusumpungan mo ang
katarungan na nakasabit sa puno
huwag kang panghinaan ng loob mahal

Muli kang kakasangkapanin ng Panginoon
upang hustisyang muling palaganapin
sa mga lupaing nabasa ng dugo
makailang ulit ring babaguhin.

Hihiyaw sa palahaw ang mga masama
titigpasin mo ang kanilang mga pita
ang kanilang mga katawan ay malulusaw sa hiya
sa sandaling ikaw ay nararapat nang tumayo
laban sa kasamaan
magkakaroon ng lakas ang iyong mga
kasu-kasuan.
magiging parang bata ka noong una,
makisig at malakas.
Walang di magagawa ang Pantas.

Habang sinasabi ito ng Pangitain, unti-unting napahinga ang matanda. Ipinikit niya ang kanyang mata. Sa sandaling nagsara ang kanyang mga talukap, isang luha ang pumatak sa lupa.

" Katarungan, o Dios, ay magiging akin. Sa lao't madali, kailangan kong pagaling."

Wednesday, November 5, 2008

Diliryong Panaginip

Nagpasya ang mga magkakapatid na manatili na lamang sa isang kuwebang malapit sa paanan ng Bundok Banahaw. Kumuha sila ng mga pira-pirasong kahoy mula sa kagubatan at nagsindi sila ng siga. Pinainitan ang amang tila nangangatog, dulot siguro ng mga sugat na tinamo mula sa pakikihamok.

Matibay si Cardo. Sa kabila ng kanyang mga sugat, hindi siya nawawalan ng pag-asa. "Kaya ko ito", usal sa sarili habang tila nagdidileryo siya't binabanggit ang mahal na asawang pinaslang ng mga sakang. Hindi man niya binubuka ang kanyang mga mata, ngunit, alam niyang ligtas sila ng kanyang mga anak. 

Tanging kulay ng apoy ang kanyang nakikita. Mula duon, sa kawalan, mayroong aninong unti-unting lumalapit sa kanya. Ilang dipa pa at nakita niya ang kanyang mahal na asawa noong dalaga pa. Suot niya'y puting kamiso, animo'y isang nimpa sa kanyang paningin ang asawang minahal niya simula pa ng una niya itong nakita. Nakangiti itong pagkatamis-tamis, na tila nag-aanyaya.

"Halika sa bukid at tayo'y magkwentuhan,
balikan natin ang tamis ng nakaraan
sa kabataan nati'y abot natin ang ligaya
kuntento ako kung ika'y aking kasama.

Sa ilalim ng puno ng manga
pangarap nati'y nabuo
magkakasama tayo
hanggang sa dulo

bubuo tayo ng ligaya
sa piling ng ating mga anak
titira tayo sa bukid ng pag-asa
sa lupa na ating pamana.



Friday, August 15, 2008

Pahingahan

Itinakas ni Armando ang naghihingalong ama patungo sa dilim ng kagubatan. Tangan din ang kanyang mga kapatid, nagtungo sa bundok banahaw ang pamilya Carpio upang iwasan ang napipintuhong kamatayan sa sandaling malaman ng mga hapon ang nangyari sa kanilang mga kasamahan.

Kasama si Victoria, Nardo at Helena, nagtulong-tulong ang mga magkakapatid na buhatin ang kanilang ama. Malala ang sugat ni Cardo sa sikmura. Malalim din ang tama naman ng bala sa kanyang braso. Mukhang tinamaan ng punglo ang isang ugat, kaya naman pulandit ang dugo mula dito. Mabuti na lamang at marunong ng torneket si Armando at naiwasan pang mawalan ng maraming dugo ang ama.

Tinahak ng pamilya ang masukal na daan patungo sa taas ng bundok Banahaw. Magtatakip-silim na at hindi na halos maaninag ang makipot na daan tungo sa itaas. Nang makita nila ang isang waterfalls, nagpasya silang magpahinga. Inilapag nila ang sugatang ama at kumuha si Helena ng ilang dahon ng saging para takpan ito at maiwasan ang impeksyon sa kanyang mga sugat.

" Malala ang lagay ng itay. Kailangang makaabot tayo sa itaas ng bundok at makahingi ng tulong," sabi ni Victoria habang inaayos nila ang mga dahon upang hindi malamigan ang ama.

" Iniisip ko nga kung san tayo patutungo dun," ayon naman kay Armando. " Pawang mga espiritista ang mga nakatira  dun. Maganda din at matutulungan nila tayo. Pero, kailangan nating manatili sa mga kuweba para hindi tayo matunton ng mga hapon."

" Kuya, dito na muna tayo matulog. Tingin ko naman at hindi maghahanap ngayon ang mga hapon. Kung magpapahinga tayo dito, magkakarun tayo ng lakas para bukas."

Thursday, August 14, 2008

Ang masakit na sinapit ni Maria

Ipagpapatuloy ko ang kwento ni Bernie sa akin.

Taong 1941 nang sumalakay ang mga hapon sa Pilipinas. Isa ang Quezon sa mga probinsyang nakaranas ng lupit ng pamamahala ng mga hapon. Matapos nilang gawing Open City ang Maynila, mabilis silang nagpunta sa Quezon upang pamahalaan ang mga tao roon.

Tangka sanang lumikas ng pamilya nina Armando patungo sa Bundok Banahaw, ngunit dahil sa kanyang amang si Cardo, hindi ito natuloy. Nanindigan si Cardo na anuman ang mangyari, hinding hindi nila iiwanan ang kanilang bukid. 

Binata na si Armando nang mga panahong yaon at bagamat nais niyang sumama sa mga kalalakihang nagpunta sa Bundok Banahaw upang makihamok, hindi niya ginawa at nanatili siya sa piling ng kanyang mga magulang.

Isang araw, 1943 ata yaon, nang dalawin ng mga hapon ang bahay nina Armando. Nasasa bukid ang kanyang ama pati na rin yata si Armando nang kumatok ang ilang sundalo sa bahay ng mga Carpio. Bumungad sa kanila si Maria, ina ni Armando at mga batang kapatid. May dalagitang kapatid si Armando ang ngalan ay Victoria. May angking kagandahan ang dalagitang ito, halo sa maputing ina at gwapong ama. 

Nang makita ng kumander ng mga hapon na si Colonel Ishikawa si Victoria, pilit niya itong isinasama sa kanila, ngunit magalang na tumanggi si Maria. " Magiting na ginoo, patawad po ngunit nasasaktan po ang aking anak. Bata pa ho ang aking anak. Huwag naman po kayong maging asal hayop sapagkat tinanggap naman namin kayo bilang mga tao sa aming tahanan."

At sapagkat hindi naintindihan ng hapon kung ano ang sinasabi ng matanda, at sa pag-aakalang minumura siya nito o nilalapastangan, iniutos nito sa isa sa mga sundalo na barilin si Maria.

Umalingawngaw ang putok sa buong paanan ng bundok banahaw. 

Nang marinig ni Cardo ang sunud-sunod na putok ng baril, agad siyang nangamba na baka may nangyaring masama sa kanyang pamilya. " Halika anak at dali tayong pumunta sa bahay. Malapit lamang sa bahay ang putok at baka sumalakay ang mga hapon"

Dali-daling nag-alsa balutan ang mag-ama at patakbong nagtungo sa kanilang bahay. Ilang metro pa lamang ang layo nila sa kanilang bahay, nakita na ni Cardo ang apat na sundalong hapon, kabilang duon ang Colonel na si Ishikawa. 

Nanghilabot siya sa kanyang nakita. Nakabulagta't walang buhay ang asawang si Maria. Dumadaloy ang sariwang dugo sa lupa mula sa tama ng bala sa mukha. Lugay ang buhok nito kaya naman hindi naaninag ni Cardo ang ilan pang tama ng bala sa kanang tainga. Hagulgol naman ang anak na si Victoria malapit sa bangkay, habang pinipilit itayo ito ni Ishikawa. Nakapaligid naman ang mga sundalo, na tila binabakuran ang colonel laban sa mga magnanais itong patayin.

"Maria!", sigaw ni Cardo at tatakbo sana itong papalapit sa asawa kundi lang pinigil ng ama ni Bernie.

" Itay, huwag po! Huwag nating lapitan si Ina, at baka tayo naman ang patayin ng mga hapon! Hindi ko po mapapatawad ang aking sarili kung kayo naman ang mamatay. Tama na ang isang bangkay sa isang araw Itay!"

"Bitawan mo ko Armando at papatayin ko ang mga hayop na ito!"

" Huwag po Itay! Wala tayong kalaban-laban sa mga yan. Maghintay tayong dumilim at duon natin sila patayin."

" Hindi na makapaghihintay ang hustisya anak! Nasasa panganib ang iyong kapatid. Kailangan kong ipagtanggol sila."

Humilagpos sa pagkakahawak ng anak si Cardo at dali-dali itong tumakbo patungo sa mga sundalo. Hawak ang itak, wari bagang naging isang mandirigmang katutubo ang kanyang ama. Kitang-kita ni Armando kung papaano tagain ng kanyang ama ang isa sa mga hapon. Halos napintas ang ulo nito matapos tanggapin ang taga.

Nagkakasa pa ng kanyang baril ang isa sa mga sundalo nang tagain naman sa braso ito. Nagpalinhaw ito sa sakit bago nawalan ng ulirat at bumulagta. Tatagain pa sana ni Cardo ang isa pa sa mga sundalo, ngunit naunahan siya nito at napaputukan ang matanda. Tinamaan sa braso si Cardo ngunit hindi nito inalintana ang pagkakabaril sa kanya. Tinarakan nito sa dibdib ang hapon ng kanyang itak at para itong kinatay na baboy na lumabas pa ang mga bituka. 

Nang tatagain ni Cardo si Colonel Ishikawa, nailagan ng hapon ang unday at sinipa niya sa binti ang matanda. Natumba ito. Nang nakahiga na sa lupa, kinuha ng hapon ang kanyang samurai.

Kitang-kita ni Armando nang tarakan ng hapon ng samurai ang kanyang ama. Tinamaan ito sa sikmura. Nagpalihaw ito sa sakit. Nang itatarak na muli ng hapon ang samurai, nagitla ito nang makaiwas ang matanda. Gumulong ito ng kaunti at biglang nakatayo.

Bagamat kita ang tarak ng samurai sa kanyang tiyan, nagawa pa ni Cardo na tumayo at muling inundayan ng taga ang hapon. Sa mukha mismo tinamaan ang colonel. Halos mabiyak ang bungo ng sundalong hapon na tila nagulat sa ipinamalas na lakas ng magsasaka. Isa pang taga ang ginawa ni Cardo, duon naman sa leeg ng sundalo. Bumulwak ang masaganang dugo mula sa leeg nito nang maglapit ang itak sa laman. Wala nang buhay itong bumagsak sa lupa ng mga ninuno ni Cardo.

Ang kwento ni Bernie Carpio, tubong Quezon

Nabasa ko ang sulat ng kapatid nating si Bernie Carpio. Tubong Candelaria Quezon, nagbakasakali si Bernie na pumunta dito sa Maynila dahil sa kanyang hangaring maging isang abogado.

Galing sa pamilya ng mga magsasaka si Bernie. Mula pa noong una bago dumating ang mga Kastila, sinasaka na ng kanyang mga ninuno ang sampung ektaryang lupaing ito sa paanan ng bundok Banahaw. Nang dumating ang mga puti, binasbasan ng krus ang lugar ng sakahan. Naging pag-aari ng isang sundalong kastila ang lupain at naitaboy sa kanilang sinasaka ang mga ninuno ni Bernie.

Kaya naman, isa ang lolo niya sa sakong sa mga unang nag-alsa laban sa pamamahala ng mga Kastila. Tulad ko, Mangubat ang dating tawag sa kanila, ngunit ipinalit nila ang apelyidong Carpio bilang tugon sa panawagan ng dating Gobernador Heneral Rivera na kailangang magkaroon ng kristiyanong katawagan ang mga katutubo.

Nang manalo ang rebolusyon, naibalik kina Bernie ang kanilang lupain. Ibang uri ng puti ang dumadayo sa kanila, ngunit dala ng mga ito ay gamot, libro at isang uri pa ng lengguwaheng nakapipilipit ng dila. Ipinag-aral nuon ang lolo niya sa siko at dahil sa pagkatapos sa agrikultura, naipadala pa ito sa Amerika kung saan naging isa sa mga unang manggagawa sa plantasyon ng mansanas.

Nang makabalik na dito sa Pilipinas, nakapangasawa ito ng isang magandang dalaga na tubong Tayabas at muli silang nagsaka sa lupaing nasasa paanan ng bundok Banahaw. Nagkaroon sila ng maraming supling, isa na rito ang ama ni Bernie na pinangalanang Armando.

Bilang panganay, maagang nasabak sa buhay magsasaka si Armando. Bago pa lamang magtitilaok ang manok, gigisingin na ni Maria ang kanyang anak na si Armando upang samahan ang amang si Cardo sa bukid. Taga-dala ng pagkain ng ama ang paslit, na karaniwang laman ay kain, tuyo, kamatis, asin na nakabalot sa dahon ng saging. May dala ring mainit na salabat ang bata na nakalagay naman sa isang aluminum na container, isa sa mga yamang nadala ni Cardo sa pananatili niya sa Amerika. 

Kapag handa na ang lahat, maglalakad na ang mag-ama sa kanilang bukirin at maguumpisa nang magtrabaho si Cardo. Pagkatapos na maihanda ang mga dapat gamitin sa bukid, hihintayin ng mag-ama ang pagputok ng Haring Araw.

" Armando, anak, tignan mo ang ganda ng Haring Araw. Iyang iyan ang kadahilanan ko bakit nilisan ko ang Amerika at muling nagbalik dito. Hindi matutumbasan ng sanlaksang pera ang ganda ng lugar na ito. Tignan mo iyon, anak.." Itinuro ni Cardo ang papalitaw na araw sa gitna ng dalawang bundok na puno ng mga malalagong punong mangga. " Lumilitaw na ang Ama ng bawat nilikha. Mula sa pagkakatulog ng isang gabi, muli siyang lumilitaw upang bigyang buhay ang daigdig. Didiligin niya ng liwanag ang buong lugar na ito, bubuhayin ng kanyang mga sinag ang mga nangaluntoy na dahon ng makahiya at kanyang bubusugin ang mga bulaklak. Anak," kakapitan ni Cardo sa balikat ang kanyang anak na si Armando."..kung mawala na ako sa daigdig na ito, huwag mo sanang iwan ang lugar na ito. Ingatan mo ang pamana sa atin ng ating mga ninuno. Mahalin mo ang bukid. Sa lupang iyan kinukuha natin ang ating pagkain. At sa lupa ding yan nagiging kasangkapan tayo ng Lumikha para pakanin ang iba."

Mauulit pa ang mga eksenang ito sa pagitan ng mag-ama hanggang sa lumaking binata na si Armando. 

Wednesday, August 13, 2008

Bigyang kahulugan ang sakripisyo ni Ninoy

Sa paggunita ng pagkakapaslang ng dating oposyunistang Senator Ninoy Aquino sa 21 Agosto, maglulunsad ng isang "cultural show" ang civil society. Ang nasabing concert, na lalakuhan ng mahigit 50 bandang Pinoy, ay isang aktibidad na dapat lamang lahukan ng lahat, sapagkat ito'y isang paraan upang maipakita natin ang ating pagka disgusto sa kasalukuyang kalagayan ng ating Inang Bayan.

Tunay nga, na ilang taon na rin ang nakalipas, (mahigit 25 na nga ba?) nang paslangin ng mga ahente ng rehimeng Marcos ang nagbabalik sanang senator Aquino. Matapos na mabasa ng kanyang dugo ang tarmac ng airport, tatlong taon ang lumipas bago tuluyang nagapi ng Sambayanang Pilipino ang diktador na si Macoy. Nanatili ang ningas ng sakripisyo ni Ninoy hanggang sa administrasyon ng kanyang asawa, ngunit, unti-unti itong nawawala sa paglipas ng panahon.

Mayroon pa bang kahulugan sa buhay ng Pinoy ang sakripisyo ni Ninoy? Naaalala pa kaya ng karamihan sa atin kung ano-ano ang mga tunay na kadahilanan bakit pinilit niyang bumalik sa Inang Bayan? Malinaw pa ba ang mga eksenang bumulaga sa atin sa kanyang pagbulagta noon sa tarmac?

Tulad ng nakagawian na, gugunitain ng mga television networks ang mga huling eksenang nilahukan ni Ninoy. Ipakikita duon ang mga kuha sa kanya ng isang batikang cameraman nang siya'y kunin ng mga AVSECOM na mag-ka-cut dun naman sa kuhang nakabulagta na siya't walang buhay sa tarmac. Kung makapagsasalita lamang si Ninoy mula sa langit, ito kaya ang nais niyang paggunita sa kanya?

Mas nanaisin siguro ni Ninoy na ipakita ang naging bunga ng kanyang sakripisyo. Mas maganda siguro kung balikan natin ang mga eksenang kung saan halos isang milyong Pinoy ang nagpunta sa EDSA pagkatapos ng tatlong taon, para kilalanin ang kanyang sakripisyo. 

Maganda sigurong ipakita na umusbong ang Bagong Pinoy mula sa dugong ibinuwis ni Ninoy at iba pang mga bayaning Bayan maitaguyod lamang ang demokrasya sa ating bayan.

Sa 21 Agosto, gugunitain sa isang concert ng mga banda ang pagkamatay ni Ninoy. Siguro, liban sa pagsasayang kultural, huwag sanang kalimutan ng mga organizers ang pagpapaliwanag sa kahalagahan ng sakripisyo ni Ninoy. 

Namulat tayo dahil kay Ninoy at sa mga bayani ng bayan na ibinuwis ang kanilang buhay alang-alang sa kalayaan.

Nagising tayo dahil kay Ninoy at sa mga bayani ng bayan na nakibaka sa larangang giyera alang-alang sa kapayapaan.

Nag-alsa tayo dahil kay Ninoy at sa mga bayani ng bayan na isinakripisyo ang kanilang kinabukasan upang manumbalik ang katarungan.

Ngayong nagsusumidhi ang kabulukan, ang korupsyon, ang kawalang hiyaan ng ating mga tinatawag na lider ng bayan, 

Ngayong binubusabos tayo ng mga mandaraya dahilan sa ating kawalang ganang kumilos.

Ngayong ninanakawan tayo ng harap-harapan ng mga nagpapakilalang lider ng bayan, 

Ngayong tila pinapatay tayo dahil sa mga polisiyang maka-sarili ng mga galamay ni Gloria,
kailangan pa ba natin ng isang Ninoy para tao mamulat?

Kailangan pa ba ng ilang giyerang pamumunuan ng mga bayani ng bayan para makamit ang kapayapaan?

Kailangan pa ba ng isang Ninoy upang maharap natin ang maladambuhalang demonyong grupong ito para sa panunumbalik ng katarungan?

Hindi na. Sa kamulatan natin sa mga kaganapan, sa ating nadadanasang hirap bunsod ng katiwalian, kabastusan, at kawalang kahiyaan nina Gloria, kanyang pamilya sampu ng kanilang mga galamay, hindi natin kailangan ang isang Ninoy.

Kailangan natin ng isang milyong Ninoy na tatayo, magbubuwis ng kinabukasan at susuong sa bukid ng pakikibaka hindi alang-alang sa kanilang sarili, kundi alang-alang sa kanilang mga anak, mga apo at mga magulang.

Monday, August 11, 2008

Cyber Banahaw

Lagi kong sinasabi sa aking mga dating estudyante, na ang bagong lugar para sa pakikibaka ay ang Internet. Sa mahigit 23 milyong Pinoys na laging online, ito'y isang tsansang makapagpabago ng kaisipan ng marami sa ating mga kababayan.

Panahon na upang isulong ang isang nakapangyayaring rebolusyong pang-kamalayan dito sa Internet. Sa kalayaang ibinibigay ng bawat espasyo dito, nakapagpapahayag ng malaya ang bawat Pilipino. 

Ito ang layunin ng Cyber Banahaw---ang ipahayag sa pinaka malinaw na paraan ang mga bagay na lubhang hindi naiintindihan ng karamihan sa ating mga Pilipino. Magiging behikulo din ito ng pagbabalik tanaw sa ating kasaysayan upang mabigyang kabuluhan ang ilang mga usaping sadyang mahirap maintindhan.

Kaya, suportahan ninyo ang CyberBanahaw. Mabuhay ang sambayanang Pilipino!