Thursday, November 24, 2011

Diliryong Panaginip, ang Pangitaing may dalang hula

"Ngunit mahal ko, wala na ang ating lupaing sakahan. Tinangay na ng mga taong may kasamaan. Pinatay pa nila ang ating anak, at ako nga'y naririto't sugatan at malapit na sa bingit ng kamatayan."

Lumapit pa ang espiritu na tila ba'y aninong nagkakaroon ng mas matinding kulay habang lumiliit ang espasyo sa pagitan.

" Huwag kang mag-alala, mahal ko.
May awa ang Ama, Dios ng lahat.
Gagaling ka sa iyong karamdaman.
Makatatayo't mailalayo ang sarili
dito sa lupaing binuwisan ng buhay.

May awa ang Ama, at ibibigay sa'yo
ang hustisya.

Makatatakas ka sa lugar na ito.
Maitatayo mo ang  dangal ng iyong pangalan.
Magiging karangalan sa'yo ang kitlin
ang buhay ng iyong mga kaaway
Pagbibigyan ka ng Ama sa iyong gagawin
Kanyang babasbasan ang iyong punyal
Kanyang kikinising tunay ang iyong bolo
sa bawat kumpay ng iyong kamay
may matatagpas na buhay
Katarungan ba ang hanap mo?
Makakamtan mo ito sa lalong madaling panahon.

Sa pagtigil ng digmaan
sa pagitan natin at mga sakang
babalik ka sa kapatagan
upang muling itayo ang tahanan
ngunit, in-hustisya'y darating
sa ikalawang pagkakataon
at masusumpungan mo ang
katarungan na nakasabit sa puno
huwag kang panghinaan ng loob mahal

Muli kang kakasangkapanin ng Panginoon
upang hustisyang muling palaganapin
sa mga lupaing nabasa ng dugo
makailang ulit ring babaguhin.

Hihiyaw sa palahaw ang mga masama
titigpasin mo ang kanilang mga pita
ang kanilang mga katawan ay malulusaw sa hiya
sa sandaling ikaw ay nararapat nang tumayo
laban sa kasamaan
magkakaroon ng lakas ang iyong mga
kasu-kasuan.
magiging parang bata ka noong una,
makisig at malakas.
Walang di magagawa ang Pantas.

Habang sinasabi ito ng Pangitain, unti-unting napahinga ang matanda. Ipinikit niya ang kanyang mata. Sa sandaling nagsara ang kanyang mga talukap, isang luha ang pumatak sa lupa.

" Katarungan, o Dios, ay magiging akin. Sa lao't madali, kailangan kong pagaling."