Thursday, August 14, 2008

Ang kwento ni Bernie Carpio, tubong Quezon

Nabasa ko ang sulat ng kapatid nating si Bernie Carpio. Tubong Candelaria Quezon, nagbakasakali si Bernie na pumunta dito sa Maynila dahil sa kanyang hangaring maging isang abogado.

Galing sa pamilya ng mga magsasaka si Bernie. Mula pa noong una bago dumating ang mga Kastila, sinasaka na ng kanyang mga ninuno ang sampung ektaryang lupaing ito sa paanan ng bundok Banahaw. Nang dumating ang mga puti, binasbasan ng krus ang lugar ng sakahan. Naging pag-aari ng isang sundalong kastila ang lupain at naitaboy sa kanilang sinasaka ang mga ninuno ni Bernie.

Kaya naman, isa ang lolo niya sa sakong sa mga unang nag-alsa laban sa pamamahala ng mga Kastila. Tulad ko, Mangubat ang dating tawag sa kanila, ngunit ipinalit nila ang apelyidong Carpio bilang tugon sa panawagan ng dating Gobernador Heneral Rivera na kailangang magkaroon ng kristiyanong katawagan ang mga katutubo.

Nang manalo ang rebolusyon, naibalik kina Bernie ang kanilang lupain. Ibang uri ng puti ang dumadayo sa kanila, ngunit dala ng mga ito ay gamot, libro at isang uri pa ng lengguwaheng nakapipilipit ng dila. Ipinag-aral nuon ang lolo niya sa siko at dahil sa pagkatapos sa agrikultura, naipadala pa ito sa Amerika kung saan naging isa sa mga unang manggagawa sa plantasyon ng mansanas.

Nang makabalik na dito sa Pilipinas, nakapangasawa ito ng isang magandang dalaga na tubong Tayabas at muli silang nagsaka sa lupaing nasasa paanan ng bundok Banahaw. Nagkaroon sila ng maraming supling, isa na rito ang ama ni Bernie na pinangalanang Armando.

Bilang panganay, maagang nasabak sa buhay magsasaka si Armando. Bago pa lamang magtitilaok ang manok, gigisingin na ni Maria ang kanyang anak na si Armando upang samahan ang amang si Cardo sa bukid. Taga-dala ng pagkain ng ama ang paslit, na karaniwang laman ay kain, tuyo, kamatis, asin na nakabalot sa dahon ng saging. May dala ring mainit na salabat ang bata na nakalagay naman sa isang aluminum na container, isa sa mga yamang nadala ni Cardo sa pananatili niya sa Amerika. 

Kapag handa na ang lahat, maglalakad na ang mag-ama sa kanilang bukirin at maguumpisa nang magtrabaho si Cardo. Pagkatapos na maihanda ang mga dapat gamitin sa bukid, hihintayin ng mag-ama ang pagputok ng Haring Araw.

" Armando, anak, tignan mo ang ganda ng Haring Araw. Iyang iyan ang kadahilanan ko bakit nilisan ko ang Amerika at muling nagbalik dito. Hindi matutumbasan ng sanlaksang pera ang ganda ng lugar na ito. Tignan mo iyon, anak.." Itinuro ni Cardo ang papalitaw na araw sa gitna ng dalawang bundok na puno ng mga malalagong punong mangga. " Lumilitaw na ang Ama ng bawat nilikha. Mula sa pagkakatulog ng isang gabi, muli siyang lumilitaw upang bigyang buhay ang daigdig. Didiligin niya ng liwanag ang buong lugar na ito, bubuhayin ng kanyang mga sinag ang mga nangaluntoy na dahon ng makahiya at kanyang bubusugin ang mga bulaklak. Anak," kakapitan ni Cardo sa balikat ang kanyang anak na si Armando."..kung mawala na ako sa daigdig na ito, huwag mo sanang iwan ang lugar na ito. Ingatan mo ang pamana sa atin ng ating mga ninuno. Mahalin mo ang bukid. Sa lupang iyan kinukuha natin ang ating pagkain. At sa lupa ding yan nagiging kasangkapan tayo ng Lumikha para pakanin ang iba."

Mauulit pa ang mga eksenang ito sa pagitan ng mag-ama hanggang sa lumaking binata na si Armando. 

No comments: