Thursday, August 14, 2008

Ang masakit na sinapit ni Maria

Ipagpapatuloy ko ang kwento ni Bernie sa akin.

Taong 1941 nang sumalakay ang mga hapon sa Pilipinas. Isa ang Quezon sa mga probinsyang nakaranas ng lupit ng pamamahala ng mga hapon. Matapos nilang gawing Open City ang Maynila, mabilis silang nagpunta sa Quezon upang pamahalaan ang mga tao roon.

Tangka sanang lumikas ng pamilya nina Armando patungo sa Bundok Banahaw, ngunit dahil sa kanyang amang si Cardo, hindi ito natuloy. Nanindigan si Cardo na anuman ang mangyari, hinding hindi nila iiwanan ang kanilang bukid. 

Binata na si Armando nang mga panahong yaon at bagamat nais niyang sumama sa mga kalalakihang nagpunta sa Bundok Banahaw upang makihamok, hindi niya ginawa at nanatili siya sa piling ng kanyang mga magulang.

Isang araw, 1943 ata yaon, nang dalawin ng mga hapon ang bahay nina Armando. Nasasa bukid ang kanyang ama pati na rin yata si Armando nang kumatok ang ilang sundalo sa bahay ng mga Carpio. Bumungad sa kanila si Maria, ina ni Armando at mga batang kapatid. May dalagitang kapatid si Armando ang ngalan ay Victoria. May angking kagandahan ang dalagitang ito, halo sa maputing ina at gwapong ama. 

Nang makita ng kumander ng mga hapon na si Colonel Ishikawa si Victoria, pilit niya itong isinasama sa kanila, ngunit magalang na tumanggi si Maria. " Magiting na ginoo, patawad po ngunit nasasaktan po ang aking anak. Bata pa ho ang aking anak. Huwag naman po kayong maging asal hayop sapagkat tinanggap naman namin kayo bilang mga tao sa aming tahanan."

At sapagkat hindi naintindihan ng hapon kung ano ang sinasabi ng matanda, at sa pag-aakalang minumura siya nito o nilalapastangan, iniutos nito sa isa sa mga sundalo na barilin si Maria.

Umalingawngaw ang putok sa buong paanan ng bundok banahaw. 

Nang marinig ni Cardo ang sunud-sunod na putok ng baril, agad siyang nangamba na baka may nangyaring masama sa kanyang pamilya. " Halika anak at dali tayong pumunta sa bahay. Malapit lamang sa bahay ang putok at baka sumalakay ang mga hapon"

Dali-daling nag-alsa balutan ang mag-ama at patakbong nagtungo sa kanilang bahay. Ilang metro pa lamang ang layo nila sa kanilang bahay, nakita na ni Cardo ang apat na sundalong hapon, kabilang duon ang Colonel na si Ishikawa. 

Nanghilabot siya sa kanyang nakita. Nakabulagta't walang buhay ang asawang si Maria. Dumadaloy ang sariwang dugo sa lupa mula sa tama ng bala sa mukha. Lugay ang buhok nito kaya naman hindi naaninag ni Cardo ang ilan pang tama ng bala sa kanang tainga. Hagulgol naman ang anak na si Victoria malapit sa bangkay, habang pinipilit itayo ito ni Ishikawa. Nakapaligid naman ang mga sundalo, na tila binabakuran ang colonel laban sa mga magnanais itong patayin.

"Maria!", sigaw ni Cardo at tatakbo sana itong papalapit sa asawa kundi lang pinigil ng ama ni Bernie.

" Itay, huwag po! Huwag nating lapitan si Ina, at baka tayo naman ang patayin ng mga hapon! Hindi ko po mapapatawad ang aking sarili kung kayo naman ang mamatay. Tama na ang isang bangkay sa isang araw Itay!"

"Bitawan mo ko Armando at papatayin ko ang mga hayop na ito!"

" Huwag po Itay! Wala tayong kalaban-laban sa mga yan. Maghintay tayong dumilim at duon natin sila patayin."

" Hindi na makapaghihintay ang hustisya anak! Nasasa panganib ang iyong kapatid. Kailangan kong ipagtanggol sila."

Humilagpos sa pagkakahawak ng anak si Cardo at dali-dali itong tumakbo patungo sa mga sundalo. Hawak ang itak, wari bagang naging isang mandirigmang katutubo ang kanyang ama. Kitang-kita ni Armando kung papaano tagain ng kanyang ama ang isa sa mga hapon. Halos napintas ang ulo nito matapos tanggapin ang taga.

Nagkakasa pa ng kanyang baril ang isa sa mga sundalo nang tagain naman sa braso ito. Nagpalinhaw ito sa sakit bago nawalan ng ulirat at bumulagta. Tatagain pa sana ni Cardo ang isa pa sa mga sundalo, ngunit naunahan siya nito at napaputukan ang matanda. Tinamaan sa braso si Cardo ngunit hindi nito inalintana ang pagkakabaril sa kanya. Tinarakan nito sa dibdib ang hapon ng kanyang itak at para itong kinatay na baboy na lumabas pa ang mga bituka. 

Nang tatagain ni Cardo si Colonel Ishikawa, nailagan ng hapon ang unday at sinipa niya sa binti ang matanda. Natumba ito. Nang nakahiga na sa lupa, kinuha ng hapon ang kanyang samurai.

Kitang-kita ni Armando nang tarakan ng hapon ng samurai ang kanyang ama. Tinamaan ito sa sikmura. Nagpalihaw ito sa sakit. Nang itatarak na muli ng hapon ang samurai, nagitla ito nang makaiwas ang matanda. Gumulong ito ng kaunti at biglang nakatayo.

Bagamat kita ang tarak ng samurai sa kanyang tiyan, nagawa pa ni Cardo na tumayo at muling inundayan ng taga ang hapon. Sa mukha mismo tinamaan ang colonel. Halos mabiyak ang bungo ng sundalong hapon na tila nagulat sa ipinamalas na lakas ng magsasaka. Isa pang taga ang ginawa ni Cardo, duon naman sa leeg ng sundalo. Bumulwak ang masaganang dugo mula sa leeg nito nang maglapit ang itak sa laman. Wala nang buhay itong bumagsak sa lupa ng mga ninuno ni Cardo.

No comments: